Kínupkóp Ng Kaliluhan
Pilìng sugò lukluka'y sukdulang silain,
Pinagsanib piláy pipi't bulág na halál,
Sinalakay nilá ay mabahòng silungán,
Pangasiwaang táhanan ng mga taksíl,
Kapangyarihan ay masibàng sakmalin,
Sakdál hangál kasama na kumubkób,
Paspasang itinakwíl kap'wa palamara,
Pasimunò itóng palalò na pinopoón,
Sinaluhan sa mga gulanít na dangál,
Pinapurihan ang dakilàng balatkayô,
Bulwagan ay punô sa kaniláng ungal,
Nagtilád ng kasalungát bago inilagpák,
Pagbibigkis dati balak paghati-hatiin,
Haling at may balakyót na katuwiran,
Mapanagpáng silá dahil sa katakawan,
Mga waláng budhî sa tinubuang-lupà!