Laksang Balatay
Mundong puno ng pangarap ay ginunaw,
Ilan pa'ng bukas na tanawi'y mapanglaw?
Panuntuna'y malupit pa sa apoy ng araw,
Matatanaw ang sagisag na walang linaw,
Pangako'y may balatkayong nakakasilaw,
Ulinigin sa walang humpay na tungayaw,
Mistula'y ungal ng nagagalit na halimaw,
Upang maibsan iyong mga pagkauhaw,
Sa rumagasang dugo'y nagtatampisaw,
Hindi na makahinga't hindi makagalaw,
Isipa'y nadimlan tinanggalan pa ng ilaw,
Sigawan at hinagpis ay umalingawngaw,
Pagyurak sa batas pusaling umalingasaw,
Kamandag ng tuklaw paano nakatighaw?
Dusa't kamatayan ang bigat na ipinataw!
Ito'y handog sa may mga gising na diwa,
At mga mamamayan sa laksang balatay!