Gumuhòng Panginoòn
Inihalál ay nagmistulâng harìng bumabagsák! Tigíb ng álinlangan ang kanyáng pamumunó, Pábuláng salitâ'y mga panggatong na pangakò, Kulay ng mga balatkayô sa mundong maguló, Punít na budhî ng mga ungás na tawang-aso, Bumabakás sa mukhâ'y namumuhîng multó,
Mga talumpating hitik sa dagok ang taludtód, May bantâ ng kagát sa mga bahág ang buntót, Tikmán ang inasnáng huwád na palátuntunan, Dikit ng mantsá sa nadimlang balutí't putong, Naglipanàng mga nilumpóng lingkód at alipin,
Paít ng parusa sa pumuták ay pitpitíng buhay, Patiwarík na tadtadín ng balatay ang balakáng, Dayukdók na mga butó't balát pilit itinatagò, Hibík ng mga abâ't itinuring na patáy-gutóm, Suka't pagkasuklám ng mga musmós na puta,
Nahihilam sa pangakò'y lumabág na sa batás, Kumatók na mga kampon lagás ang suyuin! Hantungáng gulód sa nag-bubuhay-alamáng, Likhâng poôn na lumululón ng sariwà't buhay, Una'y unti-untî't patak-paták na dugô sa daán, Ngayo'y bumabalong na lawà at rumáragasâ!