Hukáy Sa Gabí
Tungkabín natin ang nákatulog kong likhâ!
Hukáy Sa Gabí
Laláng ng pangitain sa aki'y sumasaglít, Ang kumakatók ay napakaitím na usok, Waláng humpáy na kalansíng ng tanikalâ, Dúrungawan ko'y kabaong ni kamátayan, May kalagim-lagím na mga daíng at kantá, Nagtagòng kampon kabilaan sa karimlám, Kagínsa-ginsá'y daánang walang katiyakán, Bubog ang dadamhíng daloy ng dalamhatí, Inukàng kasaysaya'y dinamtán ng kasamaán, Naliligáw na libíngan tanghálan sa panaginip, Dambanà na may sungay ang kumukubkób, At binibining manggagaway sa bangungot, Sa mga dugong bumabalong ako'y naliligò, Tinatanaw kong lakad ay libíng na likú-likô, Maging sa liblíb na talahiban ito'y pinalalabò, Sila'y sinasabayán ng malamlám na agunyás, Diwà sa maling patnubay ay hindi makapiglás, Isip na puyát ngayo'y umaani ng pamamanás, Dumilat at gumising ang tangi kong lunas!