top of page

Makatang Pangkalawakan (Sapalaran Sa Larangan)


Makatang Pangkalawakan (Sapalaran Sa Larangan)

Muling nilalakbay ng isipan, Kadiliman sa kalawakan, Ipinagpapatuloy digmaang nasimulan, Patuloy ang pagsiklab nitong sagupaan, Kalatas ng kalaban ay tinatapatan, Tugma'y nagliliparan at nakikipagpalitan, Sinasalag ng harapan, Patalasan sa tugmaan, Pabilisan ng mga isipan, Ang makatang talunan, Pahihintulutan ba ng kalawakan, Malusaw na walang laban? Inaabangan bitaw na kabilaan, Sinasangga't iniilagan, Talim ng kalatas ay kabilaan, Bawa't tamaa'y nagtatalsikan, Hiyawan ay sumasabay sa kadiliman, Humihiling ng liwanag sa daanan, Bulalakaw ay nagsasalubungan, Sumasabog sa bawa't pagitan, Walang nagnanais mamagitan, Sa mga lakas na pinakakawalan, Isang malaking kahangalan, Ang humarang na walang kalakasan, 'Pagkat mga planetang muog at tanggulan, Ay nakikipagsabayan hanggang katapusan, Kislap ng mga bituin sa kalawakan, Hindi na mamasdan at lahat matatabunan; Ito ba'ng hudyat ng katapusan, Sa larangan ng panitikan, Na sinimulan sa kalawakan?

Humanda sa pinakawala'ng mga tugma't kalatas ng "Makatang Pangkalawakan" na may talim na kabilaan;

(Sa mga katamtamang salita lamang...)

Bago ko 'to simulan, Isa munang paunang katanungan; Wala ka bang pinagsisisihan? 'Di mo ba alam kung saan? Sa lakas ng loob mong lumaban! Sige! Bigyan ng daan at pagbigyan, Hayaang ipakita'ng ipinagmamalaki mong kakayanan, Hindi ka na kinilabutan, Sa pagharap mo sa digmaan, 'Pagkat para mo nang hinarap ang maaga mong kamatayan, Mabibilad ka sa kahihiyan, Sa ilalim ng arawan, Doon sa sampayan, Maging ang 'yong kapanganakan, Lubos mong pagsisisihan, 'Pagkat sa mga bitaw mong talunan, Maghahanap na ng tataguan, Maliligo sa kahihiyan, Ano't sa lungga mong napuntahan, Ay 'di ka na rin natagpuan? Ah, alam ko na ang dahilan, Ikaw rin ay ipinagtabuyan, Dahil sa istilo mong may kabahuan, Dapat 'di na lang kita pinagbigyan! Alam mo kung bakit? Dapat pa ba kitang tanungin kung bakit? Sa mga pagpipilit mo't pagpapakasakit, Huwag mo na kayang ipilit baka ka lang magkasakit? Sa kinatatayuan mo'y nagsimula ka ng manlagkit, Hindi na makagalaw at makaalis kahit man lang saglit, Sa bawa't pagpikit, umaaray na sa sakit, Kaya nga't huwag ka na magpumilit, Nagmumukha ka lang batang paslit, Na sobra sa kulit at nag-aalumpihit, At alam mo ba'ng pinakapangit sa 'yong sinasapit? Bakit 'di mo subukang manalamin sa mga binibitawan mo? Para malaman mo rin kung gaano ka kapangit! (Binitin) (May kaanghangan) — Makatang Pangkalawakan (Sapalaran Sa Larangan), TumblrWritings 2017

Featured Posts
Recent Posts
Search By Tags
No tags yet.
Follow Us
  • Facebook Long Shadow
  • Twitter Long Shadow
  • SoundCloud Long Shadow
bottom of page