Doon Sa Panahon
(Spoken Word Poetry) Pagkatapos ng mga gulo, Mga unos at nilikha nating "delubyo", Nandito na naman ako, Muling nakatingin sa malayo, Sa kawalan, aking puso't kalul'way nakatalungko, Natagpuang muli ang aking sarili, Sa isang madilim na dako, Hindi makatayo at parang nakapako. Nagkulang nga ba 'ko? Aah, tila walang katapusang pagtatalo, Nakakapagod at sawang sawa na 'ko, Mga pagkukulang na lagi ko na lang inaako, Pinipilit pasanin at saluhin ang lahat ng 'to, Matapos lang at maputol na ang gulo, Sobrang hirap, napakabigat at nakakahapo, Pagod na ang lumuha sa matang namumugto, Damdaming bigla na lang nanlamig at naglaho. Kagaya mo. Kung kailan lang maibigan, Bigla ka na lang lumilitaw at naglalaho, Kung kailan lang maisipan, Bigla ka na lang naglalaho at lumilitaw. Ang totoo lagi akong nalilito, Kung ano ba talaga 'ko sa buhay mo? Hanggang saan ba talaga tayo? Dumating kang parang isang ulan, Puso ko'y pansamantala mong diniligan, Ngunit biglang-bigla na lang ikaw'y tumila, Nangangapa't nanghuhula, Naghihintay kung kailan ka muling babalik, Ito ba'y paraan mo lamang upang ako'y manabik? Alaala ng mga gumuguhit mong mga halik, Hanggang ngayon umaasang ikaw'y babalik, Nagsusumamo kong mga hibik, Sa aking isip, pangalan mo lamang ang nakatitik! 'Di na mauulit ang masasayang araw. Sa naiparanas na kaligayahang umaapaw, Halos buong katawan ko'y 'di na maigalaw, Kagaya ng isang araw ako'y iyong inilawan, Nakakasilaw ang liwanag na umiibabaw, Galing sa sinag mong nagniningning, Pansamantala lamang akong nahumaling, 'Pagkat 'di nagtagal takip-silim ay dumating, Tuluyan mo 'kong iniwan sa dilim, May nararamdamang kirot, sugatan at malalim, Nakabaong sakit ay parang isang patalim, Nilikha ng damdamin mong makasarili't sakim, Maliwanag kong mga ulap ngayo'y makulimlim, Nalulumbay, naninimdim sa daigdig kong napakadilim. Masakit na, kailangan ko na bumitaw. Kagaya mo ngayo'y parang bulaklak na matinik, Sa dumami mong tinik walang nais humalik, Minamasdan na lamang sa lugar mong matarik, Iginagalaw ng hangin na sabik sa 'yong makipagtalik, Nakabibinging katahimikan ngunit nananatiling walang imik, Pinilit kong tanggapin. Ang panahon natin ay 'di sumasang-ayon, Sa kalaliman, ang puso'y muling ibabaon, Nananatiling mahinahon, Maghihintay ng tamang panahon, Kung kailan muling aahon, Aalamin kung ikaw pa rin ang "nandoon". — Doon Sa Panahon (TumblrWritings 2017) Indak / Tayo Lang Ang May Alam (Acoustic Mash Up Cover) Performances by Yara El Arini, Bryan Macaranas and Nolan Dave Tolentino