Naglahong Magandang Umaga
(Spoken Word Poetry)
Sumisikat ang panibagong araw, Pagkatapos ng mahabang magdamag, Muling lulubog pagkatapos ng buong umaga, Mayro'n bang bago sa gan'tong sitwasyon? Anong bago sa gan'tong takbo ng panahon? Ang alam ko wala, 'yun at 'yun pa rin, Pero sa dati na nating relasyon? Mayro'n! Ang dati mong mainit at nag-aalab na pag-ibig? Nagbago na, nag-iba na at lumamig na, Marahil nagtataka ka kung bakit ko inihahalintulad sa takbo ng araw ang ating relasyon? Dahil nga nagbago ka na at nag-iba ka na, Wala ka ng maalala o nagmamaang-maangan ka na lang? Dahil nga nagbago ka na at ang lahat sa 'yo, Na sa mga bibig at labi mo pa nga mismo nanggaling at lumabas ang mga salitang; "Ang ating relasyon ay kagaya ng paulit-ulit na pagdating ng umaga, Walang magbabago sa takbo ng ating mainit na pagmamahalan, Kagaya ng pagligid ng mundo sa araw, At pag-inog nito pasalungat, Walang nagbabago't umiikot sa iisang direksiyon", Lamig sa madaling-araw ay maginhawa, Palaging bago at palaging sariwa, Lagi mo 'kong binabati ng "magandang umaga, mahal kumusta ka?" Mga kapwa ngiti sa ating mga labi, Ang lalong nagpapatingkad sa silahis ng araw, Nu'ng una, ang pag-ibig natin ay "malago", 'Pagkat nanatiling "basa" at nadidiligan ng mga matatamis nating pagtitinginan, Kagaya ng mga hamog na humahalik sa mga damo at bulaklak sa halamanan, Laging nababasa at nananariwa, Gusto kong mabalikan ang ating mga "naglahong magagandang umaga", Pero dahil ang panahon ay pasulong, Kasabay ng nalalanta't nalalagas na nating pinagsamahan, Pinabayaan mo't tuluyang "natigang", Alam kong malabo na, kagaya natin, At ni katiting na pag-asa'y wala akong maaninag sa mga mata mo, Na mabigyan man lamang kahit na isa pang pagkakataon, Na muling maibalik ang ating "naglahong magandang umaga", Bagaman ay araw-araw ko pa ring sasalubungin ang bawat umagang dumadarating habang ako'y nabubuhay, Ngunit 'di na kagaya ng pagsalubong ko sa umaga na kasama ka, Kasamang sumasalubong sa "maganda nating umaga" noon, Pero ngayon hindi na ganu'n! Kasinglungkot na ng liwanag sa takip-silim, Ang dating maganda nating umaga, Aah, takip-silim, kagaya ng relasyong namamaalam na, Unti-unting lumulubog at sumasabay sa dilim, Hanggang sa tuluyan ng lamunin ng kadiliman ng gabi, Bigla na lamang nawala't naglahong parang mga bula! Patuloy man ang pagdating ng bawat umaga, Ngunit ang "naglahong magandang umaga" natin? Tiyak kong hindi na natin muli pang masisilayan, Maging ng bawat niyang karik'tan ay 'di na muli pang mamamasdan, 'Pagkat kagaya ng nararamdaman kong sakit, Mas pinili na lamang niyang manatili sa nag-aagaw na liwanag ng takip-silim, At hayaang lamunin ng pusikit na kadiliman, Maghihintay at maghihintay kung kailan muling masisilayan ang "panibagong magandang umaga"... — Naglahong Magandang Umaga (TumblrWritings 2017)