Tagpi Sa Bangungot (Unang Bahagi)
“Sa tagpi ng aking bangungot, May mga tagpong masalimuot, Hanggang sa mga buto ko’y nanunuot, Mapalad ang makakalimot...” — Jay Recitas Burayag
Narito... Ano't aking muling nasilayan, Pait nitong kasalukuyan? 'Pagkat sa mundo ko ng tugmaan,
Sa 'king isipan ika'y hindi matagpuan,
Ano'ng silbi ng darating na araw,
Kung hindi na ang "dating ikaw",
Sa puso ko ang siyang muling pupukaw? Matatamis nating mga alaala,
Oh, mga tugma sa aking isipan,
Sa t'wing nagbabanggaan,
Katagang madalas nabibitiwan;
'Pagkat ang mundong huminto sa pag-ikot,
Ay parang bangungot na nakakatakot,
May tama ng sibat na nakakagulat, Sa mga bakat ng sugat, Nalikha'y mga pilat, Isipa'y nanghihingi ng tulong, May mga katagang bumubulong;
"Huwag mong hayaan na muling mabuhay ang ispiritung mapangwasak,
Madalas maririnig ang mga pumapailanlang niyang mga halakhak,
At sa iba ay sumalin upang maghasik,
Mga dugong tumatalsik,
Umuukit ng mga titik,
Mapupulang mga mata'y laging nanlilisik,
Mga tagumpay niyang walang humpay, Ipinagbubunyi't ipinagdidiwang, Lumalagablab niyang kaharian, Laging naghihintay doon sa kalaliman,”
Mundong makasalanan ay naghihintay ng kaparusahan, Aking panambitan mula sa kalaliman, Habang sa kalangitan ay nagsusumamong kalagan;
“Ako’y dal’hin sa kaliwanagan, Upang ang kadiliman ay aking matakasan, Mga ngiping nagngangalit ng dahil sa init, Limos kong lamig nawa’y madampian,
— Tagpi Sa Bangungot (Unang Bahagi), TumblrWritings 2017