Kwentong May Tugma Kawawang Peyri Teyls (Kwentong Bibit) Poor Fairy Tales
Noong unang panahon, Na hindi pa uso ang hapon, At ‘di pa kilalang kainin ang hamon, Maging ang pansit kanton, Na may sahog na hipon, Sa isang nayon, Ay may isang haring maton, Na mahilig sa tsupon, Sa paglipas ng mga taon, Ito'y aksidenteng nalulon, Sa kanyang lalamunan, Ito'y tuluyang bumaon, At sa kasamaang palad, Ay 'di na maiahon, Kaya ang kanyang hamon, Sa kanyang nayon, Sa lalong madaling panahon, At bawat pagkakataon, Kanyang problema’y Mabigyan ng solusyon, Bara sa kanyang lalamunan, Ay may kapalit na kayamanan, O ng kahit na anong kahilingan, Maging ng kanyang mga sinisipingan, ‘Pagkat sa kaniyang kalagayan, Ay labis na nahihirapan, Ang paglubha’y nais lunasan, Hindi alam ang hahantungan, Dalangin sa kanyang mapait na kalagayan, Sana’y gumaling na’t maibsan, Sa iba’t ibang panahon, Marami ang pumaroon, Upang subukan lunasan, Mga kahilingan, Nitong haring maton, Unang pumaroon, Ay isang mahikero, Upang tanggapin kanyang hamon, Sa dami ng orasyon, Mukhang aabutin pa ng taon, Kaya ang buong nayon, Nais munang magbakasyon, Itong mahikero’y may dalang isang kahon, May lalabas daw na ‘di mawaring ibon, Ngunit lahat ay nagulat, Sa kanyang mga kampon, Na bigla na lang nagtatalon, ‘Pagkat ang lumabas ay isang malaking dragon, At may apoy na parang galing pugon, Natakot buong nayon, Kaya’t sa galit nitong haring maton, Mahikero’y ipinatapon, Sa ‘sang malalim na balon, Na puno sa tubig na may lason, Itong haring maton, Sa kanyang paghamon, Ng araw ding iyon, Ay may sumunod na pumaroon, Manggagamot na may baston, Nagmula sa ibang nayon, At may dalang mga dahon, Sa tsupon na nalulon, Nitong haring maton, Ay kanya raw mabibigyan ng solusyon, Basta lamang sumang-ayon, Ang lahat ng naroon, Sa kanyang mabagsik na desisyon, Ang nasabing solusyon, Sa problema nitong haring maton, Ay iinom ng dinikdik na mga dahon, Na madulas pa sa sabon, At hayaang magtatalon, Hanggang sa mapagod, Na mukhang halos ‘di na makakabangon, Sabay hahatawin sa puson, Ng kanyang dalang baston, Kaya’t siguradong ang tsupon daw na nalulon, Ay lalabas at titilapon, Sa mabagsik na solusyon, At saka siya ay iaahon, Haring maton at buong nayon, Sa kanilang narinig ay napikon, Walang sumang-ayon, Kaya ang lahat ay nagdesisyon, Ang manggagamot na may baston, Ang siyang iinom ng dinikdik na mga dahon, Na madulas pa sa sabon, At ang kanyang puson, Ang siyang hahatawin ng baston, Huling destinasyon, Ay sa pusod ng dagat itatapon, Upang sa mga pating siya’y ipalamon, Ang haring maton sa sobrang kunsumisyon, Ay naglabas ng mabagsik na desisyon, Na ang susunod na pumaroon, Sa kanyang nasasakupang nayon, Upang tumanggap ng kanyang hamon, At may papalpak na solusyon, Ay kanya na daw ipapatapon, Sa naglalagablab na dambuhalang pugon, Nanghilakbot buong nayon, Kaya’t sa kanyang hamon, Buong nayon ay huminahon, ‘Pagkat ang mamalasin kapag nagkataon, Sa pumalpak na solusyon, Ay sa pugon ang destinasyon, Lumipas pa ilang mga panahon, Itong haring maton, Para may mapala, Sa kanyang mga katiwala, Na maghapong nakatulala, Siya’y nagpatawag ng manghuhula, Upang malaman dadating na kapalaran, Mula sa kanluran at doon natagpuan, Itong dumating na manghuhula, Ay pilay na may saklay, At kanyang kasama’y lupaypay na alalay, Halos ‘di na maikampay, Ang kanyang dalang pamaypay, Sa kawawang alalay, Ang dila pa’y laging nakalaylay, Sa kapalaran ay sinimulan ang pagsilay, Sa bolang kristal na may kulay, Mayroon daw na nakikita, Itong manghuhula, Kailangan lang maniwala, Na dapat daw ang tiwala, Ay sa manggagaway ibigay, Tiyak na hahaba pa raw kaniyang buhay, Sa bolang kristal na may kulay, Ay may naaaninag na ibat-ibang gulay, Ayon sa manghuhula itong raw manggagaway, Na kahit na hindi nagsusuklay, Ay may tanim na mga gulay, Sa ilalim ng tulay, Na walang kabuhay-buhay, Sa karamdaman na nahihirapan, Tiyak na maiibsan, Kapag ito ay natikman, Maging ito pa raw ay bara sa lalamunan, Kaya’t naghanda na buong kaharian, Sa pagdating nitong manggagaway, Na hindi nagsusuklay, At nangangamoy panis na laway, Lahat ay naghihintay, At hindi na rin nagsisuklay, Kahit pa na magmukhang bangkay, O ang mga bunganga’y mangamoy dagang patay, Ilang oras pa ang naglakbay, Dumating na’ng manggagaway, Na may dalang ibat-ibang gulay, Ang itsura’y parang nilutong kalamay, Pagtikim ng hari ay nagsimula na, Mga katiwala’y agad nagpapaypay, Sa haring halos mahimatay, ‘Pagkat ang lasa ay para daw binibitay, Ayon sa manggagaway, Ito raw ay may halo-halong laway, At may sahog ng hilaw na buwitreng inakay, Sa gulat ng hari’y tuluyang nahimatay, At ng magkamalay siya ay naglaway, Sa pakiramdam na naduduwal, Ang haring nagdurusa, Ay biglaang nagsuka, Ang tsupon ay iniluwa, Lahat ay nabigla’t natuwa, Sa kasabay na ginhawa, Ang matandang bruha, Ay kasabay na nawala, Buong nayon ay biglang nagkagulo, Sa manggagaway na biglaan ang paglaho, Sa paghahagilap lahat ay nakakandahilo, Nagkaluko-luko at nagmukhang mga sira- ulo, Sa bruhang naglaho, Ang akala’y nagbibiro, Nais sana ng hari’y magpasalamat todo-todo, Habang sa tuwa ay tuloy sa paglukso, Itong manggagaway, Hinanap ng walang humpay, Maging ng mga pilay, ‘Pagkat kanilang mga alay, Na karamihan ay mga suklay, Ay nais sanang ibigay, Sa naglahong manggagaway, Ay wala na nagawa, Tuluyang naglaho at hindi na nakita, Ang hari’y kumaway, Tanda ng pasasalamat, Magmula noon itong haring maton, Sa bwisit sa tsupon, Lahat ay ipinatapon, Sa malaking pugon, At ito’y tuluyang nilamon... Makukuhang Aral; Sa sanggol ang tsupon, at hindi sa maton. Sumusunod tayo sa bawat panahon, hindi panahon ang sumusunod sa bawat isa sa atin. — Kwentong May Tugma, Kawawang Peyri Teyls (Kwentong Bibit), Poor Fairy Tales, TumblrWritings (2017)